
Buwan ng Kababaihan 2025: Mabuhay ang Lahat ng Pinay!
Mang Kosme Editorial Team
Tuwing pinag-uusapan natin ang Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, hindi lang naman dapat yung mga sikat na kababaihan ang ating pinagdiriwang. Dapat din nating i-celebrate yung mga ordinaryong Pilipina – ang mga tunay na pundasyon ng ating mga pamilya at komunidad.
Nakakabilib talaga ang mga Pinay na araw-araw ay nagbibigay ng liwanag at saya sa buhay natin, kahit na sa tingin nila maliit lang ang kanilang nagagawa. Atin silang kilalanin, at pasalamatan.
Sino ba talaga itong Ordinaryong Pinay na sinasabi natin?
Sila yung mga nanay natin na gising pa lang tayo, nakahanda na ang almusal bago sila pumunta sa trabaho. Sila ang mga guro na kahit kulang sa materials, todo pa rin ang pasensya at dedication sa pagtuturo. Sila yung mga health worker na tumayo bilang bayani noong kasagsagan ng pandemya. Sila yung mga kasambahay na inalagaan tayo habang malayo sa sarili nilang pamilya. Mga journo na unang sumasagupa sa gulo or digmaan para maihatid sa sambayanan ang latest na nangyayari sa bansa. At sila rin yung mga tindera sa palengke, mga tricycle driver, modista, panedera, konduktor, TNVS driver, at mga nagpapatakbo ng small business na nagtitiis para lang maitaguyod ang kanilang mga pamilya.
Paano nga ba natin sila Mapapahalagahan?
- Simple lang—sabihin natin ang "Salamat po" kapag may pagkakataon. Malaking bagay na ito para maramdaman nila na napapansin natin ang kanilang pagsisikap.
- Kung may oras, pakinggan natin ang kanilang mga kwento—lahat tayo, may kuwentong dala-dala, at ganoon din ang mga Pinay sa buhay natin.
- Suportahan din natin ang kanilang mga negosyo—kung may kakilala kang Pinay na may maliit na tindahan o online business, bilhin ang kanilang produkto, i-avail ang kanyang serbisyo, at i-share mo sa iba para lumago pa.
- Tayo rin ay tumulong sa mga gawaing-bahay at responsibilidad—hindi naman dapat lahat ng trabaho ay nakaatang sa kanila, di ba?
- At 'wag nating kalimutang ipagmalaki sila—i-post, i-share, at ikwento ang kanilang mga achievements, kahit gaano pa kaliit.

Hindi naman kailangan ng espesyal na araw para ipakita ang pagpapahalaga sa mga Pinay. Pero maganda rin na may buwan tulad ng Marso para i-spotlight ang kanilang sakripisyo at kontribusyon.
Sa simpleng paraan sa araw-araw, ipakita natin ang ating appreciation sa mga kababaihang nagpapatibay ng ating mga tahanan at lipunan—hindi lang tuwing Buwan ng Kababaihan.
Kami dito sa Mang Kosme, ang inyong suking home and business warehouse wholesale appliance depot, ay todo-suporta sa pagdiriwang na ito para sa lahat ng Pinay—lalo na doon sa mga nagbibigay ng hindi matatawarang ambag sa ating buhay kahit akala nila'y maliit lang ito. Mabuhay ka, Juana!